Linggo, Pebrero 24, 2013

ANG PEKENG LARAWAN NI DR. JOSE RIZAL

 ***
Isang kaibigang mananaliksik ang minsan kong naka-argumento tungkol sa sinasabing huling larawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Kuha ang larawan sa Bagumbayan killingfield sa Maynila noong umaga ng Disyembre 30, 1896. Ayon sa kanya ang larawan ay "peke" at "hindi tunay".  Mangyari ayon sa kanya ito daw ay larawang hango sa kauna-unahang pelikula ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal na ginawa noong pasimula ng ika-1900 na siglo.

Marami daw patotoo na peke ang nasabing larawan, gaya ng tila alteradong pagmumukha ng pambansang bayani na hindi daw akma at hindi proporsyon sa kanyang leeg at katawan.

 Malayong-malayo daw ang larawan ng pinagbarilan sa labingtatlong martir ng bagumbayan kung saan makikitang may mga "gutter", "masusukal  na puno" at "malawak na parang". Kabaliktaran daw sa mga makikita sa sinasabing "pekeng larawan ni Dr. Jose Rizal" kung saan hindi maoobserbahan o makikita ang mga nasabing bagay.

Inaamin ko na noong una ay muntik na akong maniwala sa ganitong argumento, subalit pinag-aralan kong maigi ang dalawang larawan, sa aking ginawang pag-aaral nakakita ako ng mga ebidensya na magpapatotoo na kapwa larawan ay authentic at orihinal na kuha mismo sa lugar na pinagbarilan.

Larawan ng pagkakabaril sa Labingtatlong Martir ng Bagumbayan January 11, 1897(Note:May tinutuntunangan silang gutter)








Kontrobersyal na larawan ni Dr. Jose Rizal na binaril din sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896(Note: Peke daw ang larawan sapagkat 1. Hango lamang daw ito sa kauna-unahang pelikula ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal 2. Hindi tumutugma ang lugar sa lugar kung saan orihinal na binaril ang Labingtatlong Martir ng Bagumbayan. 3. Hindi Kasukalan ang mga puno at may maaaninag na mga gusali sa likuran 4. May mga poste ng ilaw subalit walang mga "gutter".
MGA DETALYE NG LARAWAN
Muntik akong mapaniwala sapagkat sa unang tingin ay aakalain mong tila totoo nga ang mga argumento niya na tila stage(Inayos)lang ang lahat at na para bang isang shooting lang sa isang pelikula ang makikita sa larawan.

Pero napatunayan ko rin itong mali di naglaon ng suriin kong maiigi ang "detalye" ng mga larawan. Makikitang hindi naman pala sila talagang magkaiba, bagkus may mga detalye na magpapatotoo na kapwa larawan ay authentic at orihinal na kuha sa lugar ng pinangyarihan.

ANG MAHIWAGANG POSTE 
Kung kinikilalang authentic ang larawan ng "Labingtatlong Martir ng Bagumbayan" ay tiyak na sasang-ayon kayo na authentic din ang huling larawan ni Dr. Jose Rizal, bakit?Sapagkat makikita sa detalye ng larawan ang isang "poste"(Binilugan ng pula)na kapwa lumilitaw din sa larawan ni Dr. Jose Rizal at ng Labingtatlong Martir ng Bagumbayan.

Paghahambing sa larawan ng Labingtatlong Martir at sa huling larawan ni Dr. Jose Rizal.(Note:Makikita ang isang poste na makikita din sa huling larawan ni Dr. Jose Rizal)
IISA LANG ANG LUGAR NG PINAGBARILAN
Ang nasabing poste ay patotoo na "iisa lang ang lugar" at na ang pagkakaiba lamang ay binaril ang Labingtatlong Martir ng Bagumbayan sa ibabang bahagi ng nasabing "poste" habang si Dr. Jose Rizal naman ay binaril sa itaas na bahagi nito.

Isang mas malinaw na kuha ng huling larawan ni Dr. Jose Rizal noong ito ay barilin ng mga Kastila sa Bagumbayan Field, Paseo de la Luneta noong umaga ng Disyembre 30, 1896(Note:Mas malinaw na kuha ng "posteng" makikita din sa larawan ng Labingtatlong Martir ng Bagumbayan. Patotoo na kapwa larawan ay authentic at kinunan noong kanilang kapanahunan)
DR. JOSE RIZAL BINARIL SA PAGITAN NG  IKA-6 AT IKA-7 POSTE NG PASEO DE LA LUNETA
Makikita sa larawan ang ilang detalye na nagpapakitang sa pagitan ng ika-6 at ika-7 poste ng ilaw ng Paseo de la Luneta eksaktong binaril si Dr. Jose Rizal.(Note:Makikita din sa larawan na sa lugar din binaril ang grupo ng mga KATIPUNERONG pinamumunuan ni Sancho Valenzuela)
SA CALLE REAL BAGUMBAYAN FIELD BINARIL ANG GRUPO NG LABINGTATLONG MARTIR NG BAGUMBAYAN
Sa tulong ng ilang mananaliksik(G. Ian Andres, Ejet Ramos, Alexi Lucban at Doc. Jiggs Gillera)ay natuklasang sa "Calle Real", hindi kalayuan lamang ng "Paseo de la Luneta" binaril ang Labingtatlong Martir ng Bagumbayan.
ANG BAGUMBAYAN FIELD AT ANG PASEO DE LA LUNETA NOONG 1899
Ang bagumbayan field at ang Paseo de la Luneta noong 1899 bago sirain at palitan ng mga amerikano ng mas pinalaking Paseo de la Luneta.
ANG PINAGBARILAN SA LABINGTATLONG MARTIR NG BAGUMBAYAN AT DR. JOSE RIZAL SA CALLE REAL AT PASEO DE LA LUNETA
Nasa iisang lugar lamang sa bagumbayan killing field(ilang yarda lang ang pagitan)ang pinagbarilan sa mga martir at bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ang pinalaki at pinalawak na Paseo de la Luneta ng mga Amerikano matapos ang taong 1899
KONKLUSYON
Walang basehan ang obserbasyon ng ilan na ang huling larawan ni Dr. Jose Rizal noong barilin ito sa bagumbayan ay peke. May mga detalye kapwa sa larawan ni Dr. Jose Rizal at sa larawan ng Labing Tatlong Martir ng Bagumbayan na nagpapatotoo na kapwa mga larawan ay authentic. Ibig sabihin kuha mismo ang larawan sa misming lugar ng pinagbarilan.

Ang larawan ay natuklasang nasa kolection ng isang baguhang creoleng potograpo na si Manuel Arias Rodriguez, kakontemporaryo mismo ni Dr. Jose Rizal at ng Labing Tatlong Martir ng Bagumbayan.

Ang mga lumang larawang mula sa potograpiya ay mahusay na batayan sa paghahanap ng katotohanan, hindi ito nagsisinungaling sapagkat mga realidad ito na naimarka sa isang larawan. Minsan ang mga kwento sa kasaysayan ay kapos sa mga detalye, tuloy mas maraming bumabangong katanungan kaysa sa pagkakaunawa sa nakaraan. Ngayong naglabasan na ang mga lumang larawang ito sa Internet ay napapanahon na sigurong muling balikan at pag-aralan ang nakaraan. Ito na marahil ang kasagutan, ito na marahil ang makapagpupuno sa mga kakulangan sa detalye ng ating kasaysayan.


"Minsan sa detalye makikita ang kabuuan ng Katotohanan" 
G. S. Hosalla

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento